132

Nov 29, 2017 @ 20:31
By

2 karnaper patay sa ‘shootout’ sa QC

Dedbol sa shootout ang riding-in tandem na sinasabing ‘notorious’ na karnaper at magnanakaw ng motorsiklo sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng Quezon City Police District (QCPD), isa sa dalawang napatay na suspek ay nakilala mula sa Philhealth card na nakuha sa kanyang wallet na si Emmanuel Melegrito, 52, tubong Tanay, Rizal na residente Brgy. 666 Zone 72 District V, Ermita, Manila.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng isa pang napatay na suspek na nasa edad na 45-50, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng maong na pantalon at kulay asul na t-shirt.

Sa inisyal na report, dakong alas-11:45 ng gabi ay kinarnap ng mga suspek ang motorsiklo ni Alejandro Dapadap na nakaparada sa harap ng isang fastfood sa E. Rodriguez Avenue, sa nasabing lungsod.

Agad na nag-report si Dapadap sa QCPD District Special Operation Group Anti-carnapping section kaya mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad.

Dakong alas-12:30 ng madaling araw ay namataan ang motor ni Dapadap sa Harmony St.,corner Eleven Road, Barangay Balingasa, QC.

Nabatid na pinahihinto ng mga awtoridad ang sinasakyang nakaw na motorsiklo ng mga suspek pero pinaharurot pa nila ito kaya nagkaroon ng habulan habang nagpapalitan nang putok ng baril.

Nasamsam sa lugar na pinagyarihan ng krimen ang dalawang cal. 38 na pag-aari ng mga suspek , ang ninakaw nilang motorsiklo, 2-cellphone, dalawang sling bag at iba pang personal na gamit ng biktimang si Dapadap. (Dolly B. Cabrez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?