47

Jun 24, 2020 @ 21:39
By

2 kadete, 3 pa pinakakasuhan sa Dormitorio hazing

Nakakita ng basehan ang Baguio City Prosecutor’s Office para kasuhan ang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong 2019.

Sa 66-pahinang resolusyon, inirekomenda ng three-man panel of prosecutors na sampahan ng murder sina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag Jr. kaugnay sa pagkamatay sa hazing ni Dormitorio noong Setyembre 18.

Inirekomenda ring kasuhan ng paglabag sa Section 14 ng Anti-Hazing Law sina Imperial at Lumbag.

Pinakakasuhan din sina Capt. Flor Apple Apostol, Maj. Ofelia Beloy at Lt. Colonel Ceasar Candelaria mula sa PMA Station Hospital, ayon sa resolusyon na inaprubahan ni Baguio Prosecutor Elmer Sagsago.

Samantala, dinismis naman ang mga reklamong inihain laban kina 1st Class Cadet Rey Sanopao, 3rd Class Cadet Rey David John Volante, 3rd Class Cadet John Vincent Manalo, Maj. Rex Bolo at Capt. Jeffrey Batistiana dahil sa kawalan ng probable cause.

Gayundin ang mga kaso laban kina PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?