116

Nov 19, 2018 @ 16:44
By

2 ISIS sympathizers, patay sa shootout sa Tacurong City

Tumimbuwang ang dalawang hinihinalang tagasuporta ng Islamic State matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa Tacurong City kaninang madaling-araw.

Ayon sa ulat, sakay ang mga suspek ng kulay gray na multicab nang madaanan ng mga ito ang checkpoint na nakalatag sa Barangay Kenram sa bayan ng Isulan patungong Tacurong City.

Nagpaputok umano ang mga hindi pa nakikilalang suspek sa Regional Mobile Force Battalion 12 na nagbabantay sa checkpoint sa Barrio Dos kaya nagkaroon ng shootout at hinabol ang mga suspek hanggang sa makorner sa Kapingkong Road sa nabanggit na siyudad.

Nauna nang nagtaas ng heightened alert sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may hinihinalang bombers na nagpaplano ng pag-atake sa ginaganap na Kalimudan festival sa Sultan Kudarat province.

Narekober sa crime scene ang isang bandila ng ISIS; isang 9mm berretta pistol na may nakasulat na PNP; isang KG9 pistol; sari-saring bala; isang Improvised Explosive Device; piyesa ng cellphone; at isang piraso ng 9 volts battery at blasting cap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?