8

Jul 25, 2020 @ 12:01
By

2 huli sa P1.3M shabu sa North Cotabato

Nalambat ng pulisya ang dalawang hinihinalang tulak ng droga matapos makuhanan ng P1.3 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation sa Pigcawayan, North Cotabato kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office 12 (Soccsksargen), ang mga suspek na sina Benjie Akmad Walao at Rahib Ebrahim Acob na nalambat matapos makipagtransaksyon sa pulis na umaktong buyer para makabili ng shabu.

Naaresto ang mga suspek bandang 8:30 Biyernes ng umaga sa Purok 6, Barangay Banucagon, Pigcawayan makaraan ang ilang araw na surveillance kaugnay sa pagtutulak ng dalawa.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang walong malalaking sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalagang P1.3 million, isang.45-caliber pistol, counterfeit money, drug paraphernalia, isang motorsiklo at P1,000 marked money.

Dinala ang mga nakumpiska sa pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency 12 habang sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?