58
kasambahay-dead-body
Jul 25, 2019 @ 16:38
By

2 holdaper ng jeep, dedbol sa QC

Dedbol ang dalawang hinihinalang holdaper na nambibiktima ng mga pampasaherong jeep makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling-araw.

Batay sa report kay P/Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng Batasan PS 6, isa sa suspek ay nakilalang si Danny Diaz, 34, residente ng Sampaloc, Manila. Siya ay nakilala sa pamamagitan ng ID na nakuha sa kanyang katawan.

Habang isang suspek ay inilarawang nasa edad 45-anyos, 5’1” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, may mga tattoo sa dibdib na “BCJ” 32, Freda, David, at IMER, nakasuot ng black sweatshirt, pulang jacket, maong short, itim na cap at mask.

Ang dalawang holdaper ay napatay noon din sa pinangyarihan ng insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw (July 25) sa Banahaw St., Brgy. Payatas.

Nagsasagawa umano ng anti-criminality patrol ang mga tauhan ng Batasan Police sa bisinidad ng Brgy. Payatas, nang magsumbong ang isang concerned citizen na nakilalang si Richard Latoza na may nagaganap na pangho-holdap sa pampasaherong jeep sa kanto ng Payatas Road at Majaas St. na agad naman nirespondehan ng mga operatiba.

Habang patungo sa lugar kasama si Latoza, namataan ng mga operatiba ang isang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki na positibong kinilala ng nagsumbong na kabilang sa anim na lalaking nangholdap ng mga pasahero sa jeep.

Nang sitahin at pinatatabi ang mga suspek ay pinaharurot pa ng mga ito ang kanilang motorsiklo at saka pinaputukan ang mga pulis kaya agad na ring gumanti ng pamamaril ang mga awtoridad na ikinamatay ng dalawang salarin.

Nasamsam sa dalawang suspek ang dalawang kalibre .38 na puno ng mga bala; dalawang sachet na shabu; limang sling bag at iba’t ibang kagamitan na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga biktimang pasahero; at isang motorsiklong Yamaha na walang plaka.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?