83

Jan 16, 2019 @ 15:48
By

2 holdaper ng call center agent, dedbol sa checkpoint

Patay ang dalawang nangholdap sa isang babaeng call center agent nang takasan ang itinayong Comelec checkpoint ng mga awtoridad at manlaban nang habulin sila hanggang sa Payatas Road, Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga hindi pa nakilalang mga holdaper ay tinatayang nasa edad-45-50, may taas na 5’6 at 5’8, nakasuot ng itim na jacket at maong pants, at may mga tattoo ng “Mio, Joey, Sputnik at Santos” sa katawan.

Nasamsam sa mga napatay na holdaper ang dalawang spring field cal .38 snub nose revolver, 15 sachet ng shabu, isang orange Yamaha motorcycle na walang plaka at isang nakaw na bag na pag-aari ng kanilang hinoldap na si Maribel Buell Fernandez, 28, call center agent.

Ayon kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6, dakong alas-2:15 ng medaling-araw ay nakapuwesto ang kanyang mga tauhan sa Molave Street para sa checkpoint kaugnay ng election period nang mapadaan ang dalawang suspek.

Sa halip na huminto, humarurot ang mga suspek kaya’t hinabol ng mga pulis, pero agad silang pinaputukan kaya nagkaroon ng running gun battle.

Nakorner ang mga suspek sa kahabaan ng Katipunan Ext., Amlac Subdivision, Brgy. Payatas-B, subalit pinaputukan pa rin ng mga ito ang mga awtoridad kaya gumanti na rin ng pamamaril ang mga pulis.

Sinabi naman ni PO3 Anthony Tejerero, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, positibo namang kinilala ni Fernandez na ang dalawang napatay ang siyang nang-agaw sa kanyang bag, na nabawi ng pulisya at ang kanyang mga gamit.

Sa pahayag ng biktima, nag-aabang umano siya ng taxi sa Ilang-ilang St., cor. IBP Road, Brgy. Payatas nang salikupan siya ng tatlong matorosiklo na may tig-dalawang sakay na lalaki at inagaw ang kanyang dalang bag.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang apat na kasamahan nito na nakatakas matapos ang panghoholdap sa nasabing call center agent.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?