23

Nov 28, 2021 @ 22:09
By

2 fixer ng lisensya sa QC timbog

Himas rehas ang dalawa katao na fixer umano ng driver’s license sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ngayong Linggo, kinilala ang mga suspek sa mga alyas na ‘Vill’ at ‘Val.’

Una umanong nakatanggap ng ulat ang ARTA tungkol sa iligal na aktibidad ng dalawa kaya’t nagpadala sila ng isang undercover agent para lumapit kay Vill.

Kwento ng agent, hiningian siya ni Vill ng P4,500 para sigurado at mabilis niyang ma-upgrade ang kanyang lisensya mula non-professional papunta sa professional.

Sa halaga umanong ito ay pasado na agad ang agent sa mga pagsusulit kahit ano pa ang isagot niya.

Inutusan umano ni Vill ang agent na magtungo sa Land Transportation Office (LTO) Quezon City upang hanapin si Val, na evaluator ng mga nagaayos ng lisensya.

Dagdag pa ng agent, kahit mali ang mga sagot niya ay binabago ito ng dalawang proctor para siya ay makapasa.

Kaya naman, arestado ang dalawang suspek habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang mga posibleng kasabwat ng mga ito sa loob ng LTO Quezon City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?