183

Nov 20, 2019 @ 17:09
By

2 empleyado ng Taguig City Hall swak sa pangongotong

Naaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC) at National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang dalawang empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig makaraang mangotong sa isang aplikante para sa building permit sa isang mall sa lungsod nitong Martes ng hapon.

Kinilala ang mga naaresto na sina Edward Buncad, 50 at Emma Robianes, 46, kapwa nakatalaga sa Local Building Office ng Taguig City Hall.

Sinampahan ng kasong robbery and extortion ang dalawa sa Taguig Prosecutor’s Office.

Sa ulat ng Taguig City Police, ikinasa ang entrapment operation dakong alas-4:00 ng hapon sa satellite office ng Taguig City Govement sa loob ng isang mall sa Bonifacio Global City.

Nabatid na nagreklamo sa PACC ang negosyanteng si Rodrigo Cueto na nagsabing hinihingan siya ng mga suspek ng “lagay” o perang padulas para mailabas ang building permit niya.

Dito nakipag-ugnayan ang PACC, sa pangunguna ni Undersecretary Greco Belgica, sa Taguig City Police at NCRPO Regional Special Operations Group na nagkasa ng entrapment operation.

Nahuli sa akto sina Buncad at Robianes makaraang tanggapin kay Cueto ang P1,000 marked money na nihalo sa P9,000 halaga ng boodle money.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang posasan ng mga nakabantay na mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?