678
strike-revilla
By

2 down, 4 to go – Sona 2018

Sharing is caring!

Sa araw na ito, ibabahagi ng Pangulo ang kanyang ikatlong State of the Nation Address o SONA. Buod ito ng nakaraang dalawang taon ng kanyang panunungkulan.

I-babahagi din nito ang mga plano at programa sa nalalabing apat na taon ng kanyang administrasyon.

Napakaraming pinagdaanan ng bansa nitong nakalipas na 2 taon. Nariyan ang bakbakan, giyera at pagdeklara ng Martial Law sa Mindanao; ang paglutang ng pagmamaltrato sa ating mga kababayan sa Kuwait; ang patuloy na laban kontra iligal na droga; ang aberya sa MRT; ang pagpasa ng TRAIN Law at kaakibat na pagtaas ng presyo ng ilang mga bilihin; ang masalimuot na usaping pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista; ang Dengvaxia scandal; ang pagsasarado at rehabilitasyon ng Boracay; ang pagbubuo ng BBL; ang usapin ng Cha-cha at pederalismo; at sangkaterba pang iba.

Mamaya, dakong alas-kwatro ng hapon, inaasahan nating bibigyan tayo ng Pangulo ng mga ulat ukol sa mga usaping ito, kung ano ang ginagawa ng pamahalaan para matugunan ang iba’t-ibang kinahaharap ng bawat Filipino, kaakibat ang mga maaasahan natin sa mga darating na araw at panahon.

Para sa aming mga kinatawan ninyo sa Kongreso, mahalaga ang gawaing ito para malaman ang direksyon na nais ng Pangulo na tahakin ng bansa. Sa pamamagitan ng kanyang mga babanggitin, kikilos ang lehislatura sa pagbuo at pagpasa ng batas na angkop sa aspirasyon at hangarin ng bansa para sa mga susunod na taon. Isang halimbawa na nga nito ang pagpasa kamakailan ng BBL na matagal nang hinahangad ng mga kababayan nating Muslim sa Mindanao. Layon nitong magtatag ng tunay na kapayapaan sa rehiyong iyon.

Liban diyan, ang SONA ay paraan ng ating sistema ng pamahalaan sa ilalim ng demokrasya para mag-report ang pinakamataas na opisyal ng bansa sa kanyang nasasakupan. Kinikilala nito na ang kapangyarihan ay nagmumula at nananatili sa taumbayan na nagluklok sa kanya sa katungkulan. Ito ay paraan para sa maayos na talastasan at pagbibigay ng transparency ng pamahalaan.

Mahalaga na ating tutukan at unawain ang mga bibigkasin ng Pangulo mamaya upang lahat tayo ay makasama sa makabuluhang diskusyon at palitan ng mga kuro-kuro at ideya ukol sa ating bansa.

Informed discussion is vital to the success and growth of democracy.

Kailangang pamilyar tayo sa bawat galaw ng ating mga pinuno upang maiparating natin ang ating suporta sa kanilang mga programa at ginagawa; gayundin ang ating pagtutol sa mga bagay na sa tingin natin ay hindi naman nararapat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?