109

Oct 17, 2017 @ 13:19

2 construction worker nakuryente, 1 patay, 1 kritikal

Aksidenteng napahawak ang dalawang construction worker sa may kuryenteng scaffolding na ikinasawi ng isa habang kritikal pa ang isang biktima sa ginagawang Robinson Cyberscape Gamma sa Ortigas Center, Pasig City, noong Lunes ng gabi.

Dead on arrival sa Rizal Medical Center ang biktima na nakilalang si Edwin Cosipe y Flores, 37-anyos, residente ng San Juan, Gen. Trias, Cavite habang kritikal pa rin sa nasabing pagamutan si Reynaldo Dela Cruz y  Trinidad, 19-anyos ng Taytay, Rizal, kapwa construction worker ng DDT Constructions, Inc.

Batay sa report Pasig police, naganap ang aksidente bandang 3:55 Lunes ng hapon sa 14th floor ng ginagawang Robinson Cyberscape Gamma sa Topaz Rd. Ortigas Center, Barangay San Antonio, Pasig City.

Nabatid na pumanik ang dalawang biktima sa 14th floor ng nasabing building upang ayusin ang ilang gamit na kakailanganin nang kapwa mapahawak ang dalawa sa scaffolding na hindi nila inakala na may nakasabit na live wire mula sa ginagawang pagwe-welding at doon na kapwa nangisay ang dalawang biktima.

Agad na dinala sa Rizal Medical Center ang dalawa subalit hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan si Cosipe habang naka-confine pa rin si Dela Cruz.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung may naganap na foul play sa nangyari sa dalawang biktima. Vick Aquino

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?