8

By

2 construction worker bisto sa droga

Sharing is caring!

Buking ang ginagawang sideline ng dalawang construction worker matapos mahuli sa pagtutulak ng iligal na droga habang nasa constructrion site, sa ikinasang buy-bust operations ng Pasig Police, kamakalawa ng umaga sa Barangay Maybunga.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na sina Dayet Baylon y Conde, 45-anyos at Ricardo Manalo y Redo, 30-anyos, kapwa residente ng Pasig City.

Inaresto ang dalawa bandang alas-11:00 kamakalawa ng umaga nang isagawa ng mga tauhan ng station drug enforcement unit ang buy-bust operation sa Westbank Road, Barangay Maybunga matapos ang isang linggong surveillance at nagpositibo na nagtutulak ng iligal na droga ang dalawa.

Isang pulis na umaktong buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek sa labas ng construction site na pinagtatrabahuan ng dalawa at nang aktong ibibigay na ang droga ay agad na itong dinampot.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng shabu at Php 200 buy-bust money.

Kapwa nakakulong ang dalawang suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Illegal Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?