69

Feb 25, 2020 @ 18:22
By

2 Chinese nag-angas, balik kulungan

Bagsak muli sa selda ang dalawang Chinese national nang muling maaresto matapos takutin at tutukan ng baril ang isang security guard ng isang hotel, Lunes ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Police Col. Ericson Dilag, hepe ng Pasay City Police, ang dalawang nadakip na sina Cheng Long Xu, 22, at Liu Sheng Zhen, 25, pansamantalang naninirahan sa Belmont Hotel na matatagpuan sa Newport Blvd., Newport, Pasay City.

Base sa pahayag ng security guard na si Carlito Mesias, 37, nagmadaling pumasok sa loob ng Selah Garden Hotel sa Park Ave., Barangay 75 ang mga suspek at hindi umano ito natsek sa kanilang pagpasok.

Inabangan ng mga security ang pagbaba at paglabas ng dalawang dayuhan.

Makalipas ang isang oras, alas-9:30 ng gabi nang bumaba at lumabas ang dalawa at dito na sinita ng mga security guard sa pangunguna ni Mesias

Ngunit hindi umano nagustuhan ng dalawang dayuhan ang pagsita sa kanila ng mga guwardiya hanggang sa naglabas ng baril si Sheng Zhen at tinutok at kinalabit sa biktimang si Mesias na masuweteng hindi pumutok hanggang sa nagkaroon ng komosyon sa lobby ng nasabibg hotel.

Agad nakahingi ng tulong ang iba pang security guard ng hotel sa mga awtoridad kung saan nagresponde ang mga tauhan ng Libertad Police Community Precinct sa pangunguna ni Police CPL Christopher Vantales na naging dahilan ng pagkaaresto ng dalawang dayuhan.

Base sa rekord ng pulisya, ang dalawang suspek ay dati nang nakulong dahil sa kasong pagnanakaw subalit nakapaglagak ng piyansa noong Pebrero 12 sa kasong robbery.

Sa ngayon ay sasampahan ng kasong alarm and scandal si Long Xu habang si Sheng Zhen ay kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation at attempted homicide sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?