jail5
By

2 Chinese ‘loan sharks’ tiklo sa pagkulong sa Taiwanese

Sharing is caring!

Arestado at kinasuhan ng Paranaque police ng kidnapping at serious illegal detention ang dalawang Chinese national dahil sa tatlong araw na pagbilanggo sa isang Taiwanese national na hindi nakabayad ng kanilang ipinautang na pangsugal sa casino.

Sa report ng Parañaque Police na isinumite kay NCRPO chief, Chief Supt. Guillermo Eleazar, kinasuhan ang mga Chinese na nagngangalang Tao Xiong, 31 anyos at Yifei Liao, 28.

Sa suplong ng kanilang biktima na si Yin-Chin Chou, 37, Taiwanese national, ikinulong siya ng dalawang nabanggit na Chinese at dalawa pa nilang kasamahan mula noong Hunyo 11 dahil hindi niya nabayaran ang kaniyang inutang na P400,000.

Naubos ang pera sa kaniyang paglalaro sa casino sa Solaire Hotel Resorts and Casino sa Parañaque City kung saan siya ibinilanggo ng mga suspek.

Pinatawagan ang kaniyang pamilya para sila ang magbayad.

Agad namang nagsumbong ang kaniyang pamilya sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) at ito ang nakipag-ugnayan sa Paranaque Police.

Kaninang alas 5 ng madaling araw, sinagip ng Parañaque Police ang Taiwanese.

Nakatalukbong ang mukha ng biktima nang iharap ng pulisya sa media.

Ayon kay Chief Supt. Eleazar, lumilitaw na modus ng mga Chinese loan sharks ang pagbilanggo sa hindi nakakabayad ng kanilang ipinautang. Ang ganitong pagbilanggo ay kasong serious illegal detention.

Sinabi naman ni Chief Supt. Tomas Apolinario, hepe ng Southern Police District, na may kaugnayan ang mga naarestong Chinese sa grupo ng mga Chinese loansharks din sa casino na inaresto noong Enero dahil din sa pagbilanggo sa hindi nakabayad sa kanilang ipinautang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?