91

By

2 bugaw ng pari na pumick up ng 13-anyos, timbog

Sharing is caring!

Nadakip ng mga tauhan ng Marikina City police ng kamakalawa ang dalawa katao na siya umanong nagbugaw sa isang 13-anyos na dalagita sa paring si Msgr. Arnel Lagarejos, noong Hulyo ng nakalipas na taon sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Gerald Ace Robenta, 20, at Luisa David, 21, pawang residente ng Brgy. Malanday ng nabatid na lungsod.

Ayon kay Sr. Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City police, magkahiwalay na nadakip sina Robenta at David ng kamakalawa ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Acting Presiding Judge Wifredo Maynigo ng Marikina Regional Trial Court (RTC) Branch 192.

“Lumabas kamakalawa ng umaga ang warrant of arrest ng dalawang suspek sa kasong violation of anti-trafficking in person kaya agad itong trinabaho ng ating kapulisan na nagresulta naman po ng paghuli sa mga ito,” saad ni Quesada.

Unang nahuli si Robenta dakong ala-1:50 ng hapon sa kanilang bahay sa Everlasting St. sa Brgy. Malanday, at dakong alas-3:40 naman ng hapon ay nabingwit din si David sa Purok 7 Phase 3 sa nasabi ring barangay.

Napag-alaman pa kay Quesada na ang dalawang suspek ang siya umanong nagbugaw sa 13-anyos na dalagita kay Lagarejos na nahuling kasama ang dalagita na papasok na sana ng motel sa kahabaan ng Sumulong Highway sa Barangay Sto. Nino ng nabatid na lungsod noong Hulyo 29 ng nakaraang taon.

Sinampahan ng kasong Anti-Trafficking in Persons Act ang pari at wala sanang piyansa nakalaan dito subalit makalipas ang ilang araw ay pinayagan na rin itong maglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

“No bail” ang kasong isinampa laban sa dalawang naarestong suspek habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing usapin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?