169

By

2 bombero, retiradong pulis patay; 7 sugatan sa banggaan

Dalawang bombero at isang retiradong pulis ang namatay matapos na bumangga ang kanilang sinasakyan sa isang pampasaherong bus sa Maharlika Highway sa bayan ng Lopez sa lalawigan ng Quezon nitong Biyernes, Pebrero 15 ng gabi.

Ayon sa Lopez Police, kinilala ang mga biktima na sina Fire Officer 3 Ronaldo Alcala at Senior Fire Officer 2 Cleto Nataño, parehong naka-assign sa Tagkawayan fire station; at ang retiradong si Police Insp. Juanito Untiveros, residente ng Tagkawayan.

Nakasaad sa report ng mga pulis, ang mga ito ay bumabyahe pauwi sakay sa Mitsubishi Adventure car na minamaneho ni Alcala nang aksidenteng mabangga ng parating na pampasaherong bus na minamaneho ng lalaking si Julio Mayores sa Barangay Pansol ganap na 9:40 pm.

Dahil sa impact, tumama ang sports utility van sa isang Nissan Urvan na minamaneho naman ni Senen Regencia.

Bumangga rin ang bus sa isang bahay sa tabi ng kalsada.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Fire Officer 3 Rederick Odi, pasahero ng van, sina Reynold Talain, Aimee Lerum, Merlex Mendegorin, Dandy Severa, Ariel Cris Principe at Lenon Eri Tagulinao, mga pasahero ng bus.

Kritikal ang kalagayan ni Odi na agad na dinala sa ospital ng Naga City sa Camarines Sur, ayon kay Senior Police Officer 1 Roman Edora, Lopez police investigator.

Napag-alaman ng mga pulis mula sa mga kamag-anak ni Alcala na nanggaling ang mga ito sa Bureau of Fire Protection regional office sa Laguna para asikasuhin ang mga dokumento ng kanilang promotion.

Samantala ang retiradong pulis naman na kababayan ng mga bombero ay nakisakay sa kanila matapos ayusin ang follow-up sa kaniyang retirement pension.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?