176
Pasig
Jul 7, 2019 @ 13:52
By

2 binatilyo, huli sa pagnanakaw ng tricycle

Kulungan ang bagsak ng dalawang binatilyo matapos mabuking ang pagnanakaw ng tricycle na pinapasada ng biktima sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, Sabado (June 6) ng umaga.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na si Germark Bulaga y Villareal, 18-anyos at isang 15-anyos na itinatago sa pangalang Totoy kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa salaysay ng biktima na si Jeffrey Frias y Sanchez, 25-anyos, tricycle driver, ipinarada niya ang kanyang tricycle na isang Honda TMX model 2011 na may plakang NW 2748 sa harap ng Asilo Ville, San Agustin St., Barangay Pinagbuhatan bandang 7:00 Biyernes ng gabi para umuwi na at magpahinga.

Pagkagising sa umaga ay agad niyang pinuntahan ang tricycle at doon na tumambad sa kanya na wala na ito sa kanyang pinag-parkingan bandang 5:00 Sabado ng umaga kaya agad na ipinagbigay alam sa mga tauhan ng Pasig CPS-PCP 8.

Agad namang nag-imbestiga ang pulisya at napag-alamang nakita ang tricycle sa Villa Cuana sakop ng Barangay Pinagbuhatan na pinaaandar ni Bulaga kaya tinungo ng pulisya ang bahay nito sa Bolante 2 St., bandang 9:00 ng umaga at doon na inaresto ang dalawang suspek at nabawi ang tricycle ng biktima.

Kasalukuyang nakakulong si Bulaga sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 o new anti-carnapping law habang si Totoy naman ay dadalhin sa Bahay Kalinga dahil sa menor de edad pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?