91

Oct 29, 2017 @ 17:54

2 biktima ng human trafficking, nailigtas sa Zamboanga

Nasagip ng pinagsanib na pwersa ng mga ahensya ng gobyerno kabilang  na ang Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang babaeng muntik nang mabiktima ng human trafficking.

Ito ay sa operasyon sa Passenger Terminal Hub ng Port of Zamboanga na ikinasa ng Sea Based Anti-Trafficking Task Force (SBATTF).

Ang SBATTF ay binubuo ng Coast Guard Station Zamboanga, Philippine Ports Authority Port Police, Bureau of Immigration and Deportation, Inter-Agency Council Against Trafficking, Department of Justice, Philippine Center for Transnational Crime, at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kinilala ang mga nasagip na biktima na sina Majel Barte, 24 taong gulang, mula sa Iloilo at Cynthia Bien, 42 taong gulang mula sa San Carlos City, Bacolod.

Ang dalawang biktima ay bumiyahe patungo ng Zamboanga International Airport noong October 22 sakay ng commercial plane na mula sa Maynila.

Nakatakda sana silang umalis ng Zamboanga patungo ng Sandakan, Malaysia sakay ng M/V Lady Mary Joy 3 para magtrabaho sa Malaysia na ipinangako ng kanilang recruiter mula sa Zamboanga City.

Sina Barte at Bien ay nasa pangangalaga na ng DSWD Home for Women sa Barangay San Roque sa Zamboanga City. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?