40

Dec 3, 2018 @ 22:00
By

2 batch ng Dengvaxia case, dedesisyunan na ng DOJ

Idineklara nang “submitted for resolution” ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang walong reklamong kriminal na inihain ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia at namatay.

Ang panel ay pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Susan Dacanay.

Hindi na pinagbigyan ng panel ang kahilingan ng ilang respondent na mabigyan ng dagdag na panahon upang maisumite ang kanilang rejoinder.

Ayon kay Dacanay, natalakay at napagkasunduan sa nakalipas na hearing na hanggang ngayong araw lamang sila tatanggap ng rejoinder mula sa kampo ng mga respondent.

Ang mga respondent ay kinabibilangan nina dating Health Secretary Janette Garin, kasalukuyang Health Secretary Francisco Duque, mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, pati na mga opisyal ng Zuellig Pharma Corporation at Sanofi Pasteurs.

Nahaharap sila sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture resulting in the death of any person at torture committed against children na paglabag sa Republic Act 9745.

Ayon sa Public Attorney’s Office na tumatayong abogado ng mga complainant, ang mga namatay ay dumanas ng multiple organ failure at brain hemorrhage.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?