103

Mar 10, 2020 @ 15:34
By

2 bata nalunod sa ilog sa Catanduanes

Patay ang magpinsan na bata nang malunod umano matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang naglalaro sa gilid ng ilog sa Barangay San Vicente sa bayan ng Gigmoto, Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jackielyn Tumalin at A-Jay Bolacia, pawang 5-anyos at residente ng nabatid na barangay.

Sa inisyal na ulat na nakuha sa Gigmoto Municipal Police Station (MPS), dakong alas-2:00 ng hapon nang huling makita ang mga bata na naglalaro sa gilid ng ilog malapit sa tulay ng Barangay San Vicente.

Subalit makalipas ang ilang saglit ay napansin na lang na wala na ang mga ito sa lugar na pinaglalaruan kaya agad na tinungo ng isang nagmalasakit na residente ang bahay ng mga biktima at tanungin kung nakauwi na ang mga bata subalit wala pa ang mga ito sa bahay.

Nagtulong-tulong namang hanapin ng ilang kapitbahay sa ilog ang mga bata hanggang sa dumating ang mga awtoridad na agad nagsagawa ng rescue operation.

Pasado alas-otso na ng gabi nang matagpuan ang katawan ng magpinsang biktima na sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara na ring dead on arrival ng sumuring doktor ang dalawang paslit.

Teorya ng pulisya, posibleng tinangay ng malakas na agos ng tubig ang dalawang bata habang naglalaro ang mga ito sa gilid ng ilog dahilan upang mapunta ang mga ito sa malalim na bahagi at tuluyan nang tangayin ng agos at malunod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?