95

Apr 30, 2019 @ 13:33
By

2 barangay sa Navotas, idineklarang drug-free

Dalawang barangay sa Navotas ang nakatanggap ng sertipikasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpapatibay na sila ay drug-cleared na.

Tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Punong Baranggay Zenaida Tibulan ng Barangay North Bay Boulevard South Dagat-dagatan at Rochelle Vicencio ng Barangay Tanza II, ang mga sertipiko mula kay Rhea Valenzuela ng PDEA-National Capital Region na naganap noong Lunes ng hapon sa tanggapan ng alkalde.

“Lahat tayo ay dapat makiisa sa kampanya laban sa droga. Hindi lang ito para isulong ang kapayapaan at kaayusan sa ating lungsod. Ito ay para rin masiguro natin na ligtas ang kinabukasan ng ating mga anak,” ayon kay Tiangco.

Hinikayat ng alkalde ang mga Navoteños na patuloy na sumuporta sa anti-drug campaign ng pamahalaang lungsod.

Madalas nakatatanggap ang lungsod ng mga report tungkol sa mga ilegal na gawain sa pamamagitan ng Text JRT numbers 0915-2601385 para sa Globe, 0908-8868578 para sa Smart, at 0922-8888578 para sa Sun.

Ang isang barangay ay itinuturing na drug-cleared kapag wala itong drug supply, drug den, pushers, users at drug laboratory.

Nagsasagawa rin ang Navotas ng community-based treatment and rehabilitation program na tinatawag na Bidahan para sa mga drug user na handang magbago at dadaan pa sa counselling na isinasagawa dalawang beses isang linggo sa loob ng anim na buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?