113

Jan 24, 2020 @ 18:45
By

2 bangkay na tadtad ng bala natagpuan sa Taguig

Tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan nang madiskubre ang mga bangkay ng isang babae at lalaki sa madilim na bahagi ng C5 Road nitong Biyernes ng madaling-araw sa Taguig City.

Batay sa isinumiteng report ni Southern Police District (SPD) Director Nolasco Bathan, ala-una ng madaling-araw nang matagpuan ang mga duguang bangkay na nakahandusay sa northbound lane ng C5 Road, Centennial Village, Barangay Western Bicutan.

Unang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Taguig Police Community Precinct 1 makaraang makatanggap ng tawag sa isang concerned citizen na nagbigay ng impormasyon sa pagkakatagpo sa mga bangkay.

Ayon sa pulisya, posibleng pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at itinapon sa madilim na bahagi ng naturang lansangan upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Tinatayang nasa edad 22 hanggang 25 ang lalaki habang nasa 20 hanggang 24 naman ang babae.

Sa ulat ng pulisya, sangkot umano sa pagbebenta at paggamit ng shabu ang dalawang biktima, batay sa nakalap na impormasyon mula sa mga residente sa lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?