65

By

2 babae tinadtad ng saksak, ninakawan pa ng motorsiklo

Brutal na kamatayan ang sinapit ng dalawang babae matapos silang pagtatagain ng hindi pa kilalang mga suspek sa Barangay San Isidro, Castilla, Sorsogon Martes ng umaga.

Alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktimang sina Jolina Jesalva, 17, saleslady, at Joana Gonzales, 34, pawang residente ng Barangay San Isidro.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Jerry Cereno, Public Information Chief ng Police Community Affairs and Development Branch ng Sorsogon PNP, isang concerned citizen umano ang tumawag sa kanilang himpilan hinggil sa pagkakatagpo sa mga bangkay na tadtad ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na inabandona sa kahabaan ng Barangay San Isidro.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumilitaw na lulan ng motorsiklo ang mga biktima nang harangin ang mga ito ng hindi pa kilalang mga suspek at walang awang pinagtataga.

Matapos mapatay ay tinangay ng mga suspek ang motorsiklo ng mga biktima.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?