17

By

2 babae, 1 sanggol sawi sa bagyong Ompong

Sharing is caring!

Umaabot na sa tatlo katao ang naiulat na nasawi sa kasagsagan ng pagragasa ng bagyong Ompong nitong Sabado, Setyembre 15.

Batay sa report na nakalap mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi makaraang matabunan ang kanyang bahay ng landslide sa Barangay Bakakeng Central, Baguio City.

Inabot ng halos isang oras bago nakuha ang biktima na sinubukan pang isalba ngunit hindi na umabot pa ng buhay habang nasa pagamutan din ang kapatid nito na nasugatan sa pagguho ng lupa.

Isang bangkay naman ng dalagita ang nakitang palutang-lutang na tinatayang nasa edad na siyam hanggang 12-taong gulang, balingkinitan, nakasuot ng puting t-shirt at blue stripe na maong short ang biktima na natagpuang palutang-lutang sa bahagi ng Pasig River, kahapon ng umaga.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), natagpuan ang bangkay bandang alas-8 ng umaga sa ilalim ng Javier Bridge, West bank Flood way, Barangay Maybunga, Pasig City.

Ayon sa pulisya, ipinagbigay alam na nila sa kalapit na Marikina Police kung may kaso sila ng nawawalang dalagitan na posibleng inanod ito mula sa Marikina River.

Samantala, una nang napa-ulat na may isang walong buwang sanggol ang nasawi matapos mahulog sa bahang dulot ng Bagyong Ompong noong Huwebes ng gabi, Setyembre 13.

Ayon sa report, nahulog at lumusot sa butas ng sahig ng kanilang bahay sa Albay ang sanggol na ayon sa mga magulang ay hindi nila napansin na nahulog ang kanilang anak dahil sa lakas ng hampas ng hangin sa kanilang bahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?