149

Oct 24, 2017 @ 13:31

2 arestado sa P.5M shabu

Hindi bababa sa kalahating milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Chief Operations officer Marvin Mendoza ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ganap umanong alas-11:00 ng gabi nang masakote sa isinagawang buy-bust ops ang mga suspek na sina Eufemio Odac Jr., 22-anyos at Alex Ogena, 28, sa isang bus terminal na matatagpuan sa Barangay 88, Monumento, Rizal Avenue.

Ito’y nang mapag-alamang ang dalawa ang siyang nagbabagsak ng shabu sa CALABARZON.

Isang nagpanggap na poseur buyer ang nakipagtransaksiyon sa mga suspek at umorder ng nasa 100 gramo ng shabu na may street value na P500,000.

Nang magkaabutan na ng shabu at marked money, aarestuhin na sana ang mga suspek ngunit nagawang makatakbo ni Odac dahilan upang maging ang mga traffic enforcer sa lugar ay nakihabol na rin na hindi naman nabigo at nakorner din si Odac.

Hindi naman itinanggi ng dalawa ang paratang na sila ang nagbabagsak ng shabu sa CALABARZON ngunit iginiit nila na nagsisilbi lamang silang ‘runner’ at sa katunayan, halos isang buwan pa lang nga umano si Odac habang si Ogena ay dati na ring nakulong dahil sa parehong paglabag ngunit hindi umano nila kilala ang mga mismong pinanggagalingan ng shabu na kanilang ibinebenta.

Anila, nais na rin umano nilang tumigil ngunit pinagbabantaan silang papatayin sakaling huminto sa pagiging ‘runner’.

Kasalukuyan nang inaalam ng pulisya kung kanino talaga nanggagaling ang drogang ibinabagsak ng dalawa. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?