Wala nang transport strike sa Lunes at Martes!
Kinansela ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang ikinasang tigil-pasada bukas, Lunes at sa Martes (Disyembre 4 at 5).
Ayon kay George San Mateo, presidente ng PISTON, hindi na muna nila itutuloy ang transport strike bilang kunsiderasyon sa ipinatawag na pagdinig ng Senado ukol sa kanilang tinututulan na phase-out ng pampasaherong jeepney.
Nagpatawag si Sen. Grace Poe ng “urgent hearing” ng Senste committee on public services sa Huwebes kaugnay ng jeepney modernization kung saan sinasabing phase-out ng jeepney ang intensyon.
Nakiusap si Poe na huwag ituloy ang transport strike para mapagharap-harap muna niya ang Department of Transportation, LTRFRB at mga transport group.
Kung hindi masiyahan sa magiging resulta ng pagdinig, itutuloy umano ng PISTON ANG tigil-pasada sa ibang araw o kaya ay sa Enero.
Samantala, sinabi ni San Mateo na sa halip na tigil-pasada, magsasagawa na lang sila ng transport caravan sa Lunes sa Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola Bridge) para kundenahin ang human rights violations.
“Sama-sama kaming magmamartsa para singilin si Pang. Duterte para sa paglabag nya sa human rights ng mamamayan,”ayon kay San Mateo. (Isaac Mendez, Ricklove Villanueva)