249

By

2-anyos na babae ginahasa ng manyak na tito

Kulong ngayon ang isang manyak na tito matapos gahasain ang kanyang dalawang taong gulang na babaeng pamangkin sa Lingayen, Pangasinan, ayon sa Lingayen Police Station (LPS) noong Miyerkules.

Ayon sa LPS, itatago muna nila ang suspek pansamantala sa pangalang “Tony,” na nang-rape sa kanyang pamangkin na si alyas “Daisy” (hindi tunay na pangalan).

Ayon sa ina ng biktima, itinuring ni Daisy ang tiyuhin na parang ama kung kaya’t tiwala siya (ina) sa suspek.

“Syempre bilang babae, iningatan ko po ‘yung mga anak ko tapos doon sa pinakamaliit kong anak, doon pa mangyayari.” himutok ng nanay ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, sa salaysay ng ina ng biktima, bago mangyari ang insidente, lasing si Tony nang dumating sa bahay at umalis ulit kasama si Daisy upang bumili umano ng pagkain, na pinayagan naman ng nanay.

“Tiwalang-tiwala [po ako] kasi itinuring po niyang tatay. ‘Yun pala, hindi mo alam, sila rin ang sisira sa kanya,” sabi ng nanay sa LPS.

Pagkatapos ng ilang minuto nang makabalik sa kanilang bahay ang suspek at biktima, dito napansin ng isang kamag-anak na may dugo ang panty ng biktima noong nagpasama itong umihi sa banyo.

Dinala ang biktima sa ospital at dito nakita sa medico-legal na ginahasa nga ang bata.

Samantala, pinabulaanan ng suspek ang paratang sa kanya at sinabing siya ay nasa impluwensya ng alak.

“Humingi po ako ng tawad sa kuya ko saka kay Ate. Sana patawarin po nila ako,” giit ng suspek.

Si Tony ay nahaharap sa kasong rape at kasalukuyang nakakulong sa LPS detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?