19
tax
By

2 akusado sa shabu shipment, kinasuhan ng tax evasion

Sharing is caring!

Nahaharap sa reklamong tax evasion ang dalawang akusado sa kaso ng P6.4 billion shabu shipment mula sa China.

Ito ay makaraang ipagharap ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang negosyanteng si Yi Shen Dong alyas Kenneth Dong o Dong Yi Shen Xi Yi at ang customs fixer na si Mark Ruben Taguba.

Si Taguba ay hinahabol ng BIR dahil sa P850.57 milyon na pagkakautang niya sa buwis dahil sa kabiguan na maghain ng Income Tax Return at Value Added Tax (VAT) mula 2009 hanggang 2016.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Taguba sa pag-amin nito sa pagdinig sa Kamara at Senado na kumikita siya ng P170 libo hanggang P190 libo sa bawat container van ng kanyang mga kliyenteng importer na ang transaksiyon ay idinadaan niya sa EMT Trading, Integrisy Trading at RO and SS Trading na pawang umano’y nga consignees for hire.

Sa pagsasaliksik ng BIR, aabot sa kabuuang 7,458 at 7,694 na container van ang naiproseso ng mga consignee ni Taguba para sa taong 2016 at 2017, kaya kung susumahin, noong 2016 lamang ay aabot sa P1.26 bilyon ang kinita nito.

Ayon pa sa BIR, nabigo rin si Taguba na iparehistro sa kawanihan ang kanyang trucking business bago ito mag-operate dahil nito lamang Setyembre niya iprinoseso ang rehistrasyon ng kanyang negosyo bilang Golden Strike Trucking Services.

Samantala, inaakusahan naman ng BIR si Dong ng pagkakaroon ng tax liability na aabot sa P11.4 milyon dahil sa kabiguan na magbayad ng income tax para sa taong 2013 at 2016.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Dong sa kanya ring pag-amin sa pagdinig sa Kongreso na siya ay kumikita ng P5,000 hanggang P10,000 sa kada container van na dumarating sa pier at kanyang naipoproseso.

Inamin din ni Dong sa nasabing pagdinig na hindi siya nagbabayad ng buwis mula sa kanyang tinatanggap na kita mula sa pagproseso ng container van. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?