33

Jul 19, 2021 @ 20:53

2 Aeta inakusahang terorista, absuwelto

Dinismis ng mababang hukuman sa Olongapo City ang kasong paglabag sa Anti Terrorism Act laban sa dalawang Aetas, sa ilalim ng ipinatutupad na kontrobersyal na Anti-Terrorism Law sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO).

Sa ginanap na virtual media forum kahapon, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Acosta, na ang dalawang pinalayang Aetas ay sina Japer T. Gurung at Junior U. Ramos, kapwa miyembro ng Katutubong Aetas at nasangkot sa paglabag ng Anti-Terrorism Act of 2020 na noon ay hawak ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) ang kaso.

Aniya, ang pagdismis ni Presiding Judge Melani Fay Tadili ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 97, sa kaso laban sa dalawang aeta ay dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Ayon sa desisyon ng hukom, bigo ang prosekusyon na patunayan o kilalanin ang mga akusado na nilabag nila ang Section 4 ng Republic Act 11479.

Pinaliwanag din ng hukom na illegal ang pagkadakip sa dalawang akusado kaya dineklara ring imbalido ang ginawang paghalughog sa mga akusado na nakumpiskahan ng mga shotgun, granada at mga gamit sa pag-detonate ng bomba.

Sinabi pa ng hukom, wala ring ebidensiya na magpapatibay na nilabag ng dalawang Aeta ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act o ang PD 1866 na inamyendahan ng RA 9156.

Matatandaang dinakip ang dalawang Aeta ng mga tauhan ng militar nitong nagdaang taon subalit hindi agad positibong naituro ng mga dumakip na sundalo at ang sinasabing “profiling” ay isa lamang “afterthought” para masabing sila ay positibong nakilala.

Kaya naman kinatigan ng korte ang mga akusado at agad nagbaba ng desisyon nitong July 15 para makalaya ang dalawang aetas mula sa kanilang piitan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Olongapo. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?