61
185 lasenggo huli sa 'liquor ban' sa QC
By

185 lasenggo huli sa ‘liquor ban’ sa QC

May 185 katao ang inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa paglabag sa umiiral na ‘liquor ban’ sa bansa, simula nitong Linggo, kaugnay ng May 13 midterm elections.

Ayon kay QCPD Director, P/BGen Joselito Esquivel Jr., ang mga suspek ay naaresto ng 12 police stations ng QCPD sa isinagawa nilang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO).

Nabatid na ang Cubao Police Station (PS 7) ay nakaaresto ng 72 katao habang 34 violators naman ang naaresto ng La Loma Police Station (PS 1).

Ang Anonas Police Station (PS 9) naman ay nakaaresto ng 25 violators; 20 mula sa Masambong Police Station (PS 2); 14 mula sa Project 4 Police Station (PS 8); 13 mula sa Kamuning Police Station (PS 10); lima mula sa Galas Police Station (PS 11) at dalawa sa Fairview Police Station (PS 5).

Ang mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa liquor ban, na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, partikular na sa COMELEC Resolution No. 10461.

Alinsunod sa itinatakda ng batas, ang paglabag sa liquor ban ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng isa hanggang anim na taon.

Pinuri naman ni Esquivel ang kanyang mga tauhan sa paggampan ng mga ito sa kanilang tungkulin.

Ang liquor ban ay sinimulang ipatupad dakong alas-12:01 ng madaling araw nitong Linggo at magtatagal hanggang 11:59 ng gabi ng Mayo 13, na siyang araw ng halalan sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?