6

Aug 6, 2020 @ 15:01
By

180 katao stranded sa Manila port

Naabutan ng modified lockdown ang nasa 180 mamamayan, kaya nananatili ang mga ito sa Manila North Harbor.

Matatandaang sinailalim sa modified enhanced community quarantine o MECQ ang Metro Manila, gayundin ang Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.

Nagsimula ito noong Agosto 4 at magtatagal hanggang Agosto 18, 2020.

“Meron pa rin po tayong LSIs (locally stranded individuals) sa North Harbor po: ito po ‘yung mga inabutan ng MECQ,” sabi ni Philippine Ports Authority Jay Santiago sa ABS-CBN’s Teleradyo, Huwebes.

“Pabiyahe na po sana itong mga ‘to,” lahad pa niya.

Katuwang ang ilang donor, tutulungan naman aniya ng gobyerno ang mga nasabing LSI.

Samantala, matapos ang magkasunod na pagsabog sa port warehouse ng Beirut, Lebanon, “agad pong nagpa-imbentaryo kahapon nang maagang-maaga ng mga nakaimbak sa ating pantalan”, ayon kay Santiago.

“Sa initial inventory na sinubmit sa atin, wala naman tayong nakaimbak na ammonium nitrate,” dagdag niya.

Kumitil ng hindi bababa sa 113 katao ang nasabing mga pagsabog sa Lebanon. Dalawang Pinoy ang nasawi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?