191

Nov 6, 2017 @ 14:05
By

18 luxury cars nasabat ng Customs

Labing walong mamahaling sasakyan na nagkakahalaga ng P107 million ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) matapos matuklasan na ang mga ito ay undervalued at dahil sa kabiguan ng consignee na makapagprisinta ng documentary requirement mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon sa BOC, ang mga sasakyan ay kinabibilangan ng 12 unit ng Toyota Land Cruiser, tatlong unit ng Range Rover, dalawang unit ng Chevrolet Camaro at isang unit ng McLaren na pawang mga nasa kasalukuyang modelo.

Dumating umano ang kargamento sa Manila International Container Port (MICP) sa magkakaibang araw mula October 13 hanggang October 19.

Galing ang mga luxury vehicle mula sa Hongkong, United Arab Emirates at United States at ang mga ito ay na-eksamen sa container yard sa International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) noong October 23.

Sinabi ni Atty. Ruby Alameda, district collector ng MICP, lahat ng shipment ay iprinoseso ng customs broker na si Roy Lasdoce at naka-consign sa Gamma Gray Marketing na naka-base sa Port Area, Manila.

Paliwanag naman ni BOC Commissioner Isidro Lapena, bukod sa undervaluation, hindi rin nakapagprisinta ang consignee ng Autority To Release Imported Goods (ATRIG) mula sa BIR.

Ang ATRIG na iniisyu ng BIR sa BOC ay nagsasaad na pinapayagan nito ang pagpapalabas ng inangkat na kargamento mula sa BOC kapag nabayaran na ang duties and taxes.

“The fact that the importer cannot produce the BIR clearance and declare the correct value of shipments send a signal that something is questionable with the shipments,” giit ni Lapena.

Kasabay nito, iniutos din ni Lapena ang imbestigasyon sa customs broker at sa permit to import luxury car na hawak ng consignee para matukoy ang posible nilang pananagutan sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act of 2016.

“This is a blatant disregard of customs rules on importation. I am sure traders know what is required when bringing luxury vehicles into the country. I appeal to all importers not to disregard customs laws or else you will face the consequences of your malpractice,” pagtatapos ni Lapena. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?