75

Sep 9, 2018 @ 17:40

18-anyos notoryus na pusher, nalambat sa Makati

Kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na binatilyo na kinikilalang notoryus na criminal/drug dealer sa ikinasang anti-criminality operations sa Makati City.

Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD) office, nakilala ang suspek na si Romuald Villarama, 18-anyos, residente ng Lot 37 Block 139, MH Del Pilar, Barangay Rizal, Makati City.

Ayon kay Makati City Police chief, Senior Supt. Rogelio Simon, nagsasagawa ng anti-criminality operations ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-10) sa Barangay Rizal, bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang mamataan ang suspek na pagala-gala sa isang madilim na bahagi ng nasabing lugar.

Nang sitahin ay minalas na mahulihan ng isang balisong at dalawang pakete ng shabu kaya agad na dinampot at dinala sa police station.

Ayon sa pagsisiyasat ng awtoridad, si Villarama ay sangkot umano sa pagbebenta ng droga gayundin na sangkot sa serye ng pangangarnap, panghoholdap, pagnanakaw at paglabag sa Child Abuse Law (RA 7610) sa kanilang barangay at karatig komunidad.

Matapos makita ang mukha ng suspek sa telebisyon, ilang biktima sa umano’y panghoholdap at pagnanakaw ang lumutang sa Makati Police upang magsampa ng kaso laban kay Villarama.

Nabatid na 16-anyos pa lamang si Villarama ay nagsimula na ito sa masamang gawain at ang kanyang ama ay isang drug courier na unang naaresto nitong Agosto 26.

Nakakulong ang suspek sa Makati detention cell habang inihaharap ang karampatang kaso laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?