171
jailed1
Jun 23, 2018 @ 11:24
By

18-anyos na estudyante, tiklo sa negosyong marijuana sa Taguig

Nabisto ang pagbebenta ng tingi-tinging marijuana ng isang 18-anyos na babae matapos maghinala ang mga pulis sa umpukan ng mga tambay na madalas nasa labas ng bahay nito sa Taguig City.

Inaresto ng Tipas police si Princess Cordero sa loob ng nirerentahang bahay nito sa J. Ramos Street, Barangay Ibayo-Tipas dakong alas-otso ng gabi noong Huwebes pero nakatakas ang live-in partner nito na nakilala lang sa alyas na “Aging”.

Ayon sa report, karamihan ng parokyano ng suspek ay high school students na dati niyang kaklase at mga estudyante ng kalapit na Pateros at Pasig.

Tatlong linggo umanong sinubaybayan si Cordero matapos makatanggap ng reports ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta ng mag-live in ng iligal na droga sa mga high school student.

Imbes bloke-bloke umano ang itinitinda, ibinebenta nila ang marijuana sa sachets na P125 kada isa para maging abot-kaya sa mga estudyante.

Inamin ni Cordero ang pagbebenta ng marijuana pero hindi nito tinukoy ang source niya nito dahil ibinabagsak lang umano sa kanila ang iligal na droga.

Kapwa estudyante umano ng Tipas National High School ang dalawang suspek.

Nakakulong na si Cordero sa Taguig police station at nahaharap sa kasong possession of illegal drugs habang naglunsad na ng manhunt operation laban kay Aging. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?