320

Jan 10, 2020 @ 14:29
By

17 Tsino timbog, 11 Pinay nasagip sa prostitution den

Arestado ang 17 Chinese national, kabilang ang may-ari ng isang KTV bar, habang 11 Pilipina ang nasagip sa isinagawang pagsalakay kaninang madaling araw ng mga tauhan ng Makati City Police sa isang hotel na ginagawang prostitution den sa lungsod.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang nadakip na dayuhan na si Shih Fang Chen, isang Chinese national na may-ari ng 101 KTV Bar na matatagpuan sa tinutuluyan niyang Makati Palace Hotel sa Burgos Street, Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.

Ayon kay Simon, ang anim na dayuhang empleyado ay sumasalalim ngayon sa questioning sa pagkakaaresto sa mga ito.

Na-rescue naman ang 11 kababaihan na pawang mga Pinay.

Dakong alas-3:30 ng madaling araw, Enero 10, nang ikasa ng mga awtoridad ang pagsalakay sa naturang bar, matapos nilang makatanggap ng tip na nagsisilbi itong front ng pambubugaw.

Nang kanilang maberipika ang impormasyon ay agad na bumuo ng team si Simon at sinalakay ang KTV bar.

Tini-table umano ang mga babae roon, at maaari ding ilabas kapalit ng P20,000 bilang bayad sa kanila.

Nakita din sa lugar ang samu’t saring mga condom, log book sa mga transaksyon, at iba pang gamit.

Agad namang dinala ng pulisya ang mga dayuhan, maging ang 11 nasagip na mga Pinay.

Nadiskubre rin ng Makati City Police na paso na ang permit ng naturang bar, at sa katunayan, ang nakapaskil na business permit ay nakapirma pa si dating Makati City Mayor Elenita Binay.

Mahaharap si Chen sa kasong human trafficking, habang posible ring maharap sa kaso ang dalawang hindi pinangalanang babaeng manager ng KTV na nagsisilbi umanong mga bugaw ng mga Pinay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?