18

Nov 20, 2021 @ 10:51
By

160K volunteer kailangan ng DOH

Nasa 160,000 volunteer ang kailangan ng Department of Health (DOH) para sa ikakasang national vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kabilang sa hinahanap nila ang mga health screener, vaccinator, post-vaccination monitoring personnel, health educator, registration personnel, data consolidator at encoder.

Batay aniya sa inaasahang dami ng mga magpapabakuna, sinabi ni Vergeire, na nasa 30,000 vaccination team ang kailangan nila.

Kaya nanawagan siya sa mga medical society, eskuwelahan, medical school, nursing school at iba pang healthcare worker school na tulungan sila.

Aniya, kapag tumaas na ang bilang ng mga bakunado, mas magiging protektado ang lahat sa sakit at makikita na patuloy na bababa ang mga sakit sa bansa.

Target ng DOH na makapagturok ng limang milyong dose kada araw sa tatlong araw na national vaccination campaign.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?