151
1,600 traffic enforcer ipapakalat para sa Semana Santa
Apr 11, 2019 @ 16:08
By

1,600 traffic enforcer ipapakalat para sa Semana Santa

Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipapatupad na nila ang operations plan sa susunod na linggo bunsod ng inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko at pagdami ng bilang ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya para sa Semana Santa.

Sa ilalim ng “Oplan Metro Alalay Semana Santa”, mahigit sa 1,600 traffic personnels ang itatalaga sa mga pangunahing kalsada, bus terminals, paliparan, at pantalan mula Abril 17 hanggang Abril 22 ng taong kasalukuyan para matiyak ang ligtas at maayos na daloy ng trapiko sa panahon ng Kuwaresma.

Ayon kay MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Roy Taguinod, ipapatupad ang “no day-off at no absent” policy sa mga traffic enforce sa Miyerkoles at Huwebes Santo gayundin sa Linggo ng Pagkabuhay at sa Lunes.

Bilang bahagi ng monitoring sa mga bus terminal, magsasagawa rin ng random/on-the-spot breath analyzer tests sa mga bus driver para malaman kung nasa impluwensya ba ito ng alak o hindi.

Nabatid, na ang mga babagsak sa pagsusuri ay hindi papayagang makapagbiyahe hanggang hindi nakakapagpahinga, kung saan may 11 breath analyzer kits ang MMDA.

Bago pa man ang deployment, nakipagpulong na si Taguinod sa mga traffic sector heads at inatasan ang mga ito na i-monitor at siguruhing hindi aalis sa kani-kanilang pwesto ang mga traffic enforcer lalo na kung rush hours.

Ikakasa rin ngayong linggo ang sabay-sabay na clearing operations laban sa mga illegal vendor sa mga malalaking simbahan kung saan nagsasagawa ng Visita Iglesia.

Nakikipag-ugnayan din ang MMDA sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board at Department of Transportation para naman sa deployment ng mga karagdagang pampasaherong bus sa ilalim ng “Alalay sa MRT bus augmentation program”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?