5

Jul 22, 2020 @ 11:17
By

1,600 pulis na ang tinamaan ng COVID – PNP

Sumampa na sa 1,600 ang bilang ng mga pulis na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos ang panibagong 36 na nagpositibo sa kanilang hanay.

Base sa ulat ng Philippine National Police Health Service (PNPHS), nakapagtala ng panibagong 36 kaso ng mga pulis na nagpositibo sa COVID-19 noong Martes.

Umaabot naman sa 610 na ang nakarekober sa sakit, habang siyam pa rin ang nasawi sa hanay ng PNP.

Bukod dito, mayroon pang mino-monitor ang PNPHS na 727 probable cases gayundin ang 1,767 suspected ceases.

Nauna ng sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na karamihan ng mga pulis na tinatamaan ng COVID-19 ay ang mga frontliner na nagbabantay ng mga checkpoint. Karamihan aniya sa mga ito ay asymptomatic o walang anumang nararamdamang sakit.

Paliwanag pa ni Banac na kapag ang isang pulis ay nagpositibo sa COVID-19, isasailalim ito sa 14 araw na quarantine kung saan imo-monitor ang kalagayan nito at regular na gagamutin at kapag gumaling na sila ay pagpapahingahin ng pito hanggang 10 araw bago ulit sumabak sa trabaho.

Sinabi naman ni PNP Director General Archie Gamboa na sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga pulis na tinatamaan ng COVID-19 ay hindi aniya mauubusan ang PNP ng mga pulis na magbabantay sa mga checkpoint at titingin sa kapakanan ng taumbayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?