410

Jun 21, 2019 @ 14:23
By

16 milyong bahay, binibisita na ng DSWD kung swak sa 4Ps

Sinisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na salain ang 16 milyong kabahayan sa bansa upang matukoy kung kuwalipikado silang maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps)

Sa ginanap na forum sa National Press Club (NPC) Biyernes ng umaga, sinabi ni DSWD Undersecretary Camilo Gudmalin na may mga tauhan silang lilibot at magsasagawa ng house-to-house visit para personal na makita kung may kakayahan o wala ang mga aplikante sa programa.

Aniya, aalamin nila kung ilan ang nakatira sa bawat bahay, pati na rin ang antas ng edukasyon ng mga nakatira rito at halaga ng kanilang kita.

Sa kanilang pagtaya hanggang noong Hunyo 13 ng taong ito, umaabot na umano sa 60,000 benepisyaryo ang lumagda sa isang waver na opisyal nang bumibitaw sa programa dahil sa pagbuti ng kalagayan ng kanilang buhay.

“Sila ‘yung may mga napagtapos nang anak sa pag-aaral o umangat ang buhay dahil umunlad ang negosyong itinayo nila mula sa pondo ng 4Ps,” ayon sa opisyal.

Samantala, binalaan din ni Gudmalin ang mga kasalukuyang benepisyaryo laban sa pagsasanla ng kanilang mga ATM na binabagsakan ng tulong pinansiyal mula sa programa.

“Yung iba, nagsasanla ng ATM kasi nalululong sa sugal, hindi maganda ‘yan, maaaring mabawi ang tulong na ‘yan pag may nagsumbong sa amin ng inyong maling gawain,” paliwanag ni Gudmalin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?