16

Nov 11, 2021 @ 14:44

15M target turukan sa National Vaccination Day

Target ng gobyerno na mabakunahan ang 15 milyong Pilipino sa ilalargang tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Day simula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang bahagi ng national immunization program ng gobyerno laban sa COVID-19.

Ayon kay Roque, magtutulong-tulong ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para mabakunahan ang mas maraming Pilipino at mabigyan ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus.

“Tatlong araw po ito na gaganapin mula November 29-December 1. Target natin mabakunahan ang 15 milyong katao. Bayanihan ang konsepto natin dito kung saan ang kooperasyon ng lahat ay kailangan,” ani Roque.

Kikilos aniya ang buong ahensya ng pamahalaan at makakatuwang ang medical community, mga sundalo at pulis, local government units at religious organizations.

“Makakasama natin ang buong pamahalaan, kasama na ang LGUs, sandatahang lakas, pambansang kapulisan, medical community pati na ang religious organizations,” dagdag ni Roque.

Matatandaang noong November 4, 2021 ay naabot ng gobyerno ang isang milyong bilang ng mga nabakunahan sa loob lamang ng isang araw kaya nagtakda ng panibagong mas mataas na target para mabilis na mabakunahan ang mayorya ng populasyon ng bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?