22

Aug 24, 2020 @ 19:50
By

15M sa Listahanan ng DSWD kuning contact tracer – VP Leni

Sinuhestiyon ni Vice President Leni Robredo upang mapalakas ang contact tracing sa bansa ang paggamit ng teknolohiya at pag-hire sa mahigit 15 milyong katao na nasa “Listahanan” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang contact tracer.

Sa kanyang public address nitong Lunes, sinabi ng Bise Presidente na malayong-malayo sa minimum na kataong kailangang tukuyin kada confirmed case ang nagagawa ng bansa.

Dapat din aniyang i-harmonize ang mga cash-for-work program sa mga pangangailangan para sa COVID-19.

Kung magagawa raw ito, tataas ang kapasidad ng bansa sa contact tracing at maaampat ang pagkalat ng COVID-19.

“Pagdating sa contact tracing: Si Mayor Magalong na ang nagsabi na sa bawat confirmed COVID case, minimum na ang 37 na katao na kailangang tukuyin para malaman kung nahawa sila. Sa ngayon, sa NCR mismo, limang tao kada confirmed case pa lang ang kaya nating i-trace, malayong-malayo sa kailangan,” aniya.

“Isang solusyon ang paggamit ng teknolohiya para maging mas efficient at mabilis ang contact tracing. May mga mabisang tracing app na available na para dito; kailangang i-standardize ang mga ito para hindi nagkakanya-kanya ang mga LGU,” dagdag niya.

“I-harmonize ang cash-for-work programs sa mga pangangailangan para sa COVID. May mahigit 15 million na katao sa Listahanan ng DSWD; maaaring i-hire ang marami sa kanila, through the LGU, para makatulong sa contact tracing. Kung magagawa ito, tataas ang kapasidad natin for contact tracing at maaampat ang pagkalat ng COVID-19,” punto pa ng Vice President.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?