118

Dec 1, 2019 @ 16:09
By

15K pamilya nilikas, sasakyang pandagat binawalang maglayag: Bicol handa na kay ‘Tisoy’

Nag-activate na ang Office of Civil Defense (OCD) Bicol ng 24 hours monitoring system para paghandaan ang paparating na bagyong “Tisoy” sa rehiyon.

Ayon kay OCD Bicol Dorector Claudio Yucot, inalerto na nila ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG), habang nakaantabay na ang mga kaukulang gamit para sa posibleng rescue operation sakaling manalasa ang bagyong Tisoy sa probinsya.

Ang mga military truck ay nakaparada na rin sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi City, Albay sakaling kailanganin ang mga ito sa gagawing evacuation.

“We are on red alert status and we always aim for zero casualties in times of calamities,” pahayag ni Yucot.

Bukod dito ay naka set-up na rin ang mga linya ng radio communications sa military camp sa 9th Infantry Division sa Pili, Camarines Sur para sa malinaw at mabilis na pagbabato ng mga mensahe hinggil sa paparating na bagyo.

Samantala, mahigit na sa 15,000 pamilya ang naunang nilikas sa kanilang bahay at dinala sa ligtas na lugar dahil sa posibleng banta ng landslide, pagbaha, at pag-agos ng lahar mula sa bunganga ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay Dempsey Alcala, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) ng bayan ng Malinao, Albay, sinimulan nila ang paglikas sa may 10,784 na pamilya o may kabuuang 58,000 katao dakong ala-1:00 ng hapon mula sa 29 barangay dahil ang mga lugar ay kadalasang binabaha, inaabot ng storm surge, at landslide.

Sa bayan naman ng Guinobatan, umaabot sa 2,000 katao ang pansamantalang inilikas sa kanilang bahay at nilagak sa evacuation centers dahil sa banta ng pag-apaw ng lahar.

Sa Daraga, inilikas na rin ang 8,300 residente mula sa 54 barangay dahil sa panganib ng landslide at baha.

Nakaantabay naman ang mga residente sa bayan ng Ligao, mula sa mga Barangay Baligang, Nabonton, Tambo, Tula-Tula Grande, Guilid, Tinago Binatagan, Tagpo at Pandan sakaling lumala ang panahon.

Nasa 2,000 mga pasahero naman ang stranded sa mga pantalan ng Matnog at Pilar, Sorsogon, gayundin sa Pio Duran at Tabacco port matapos hindi payagan ng Philippine Coast Guard (PCG) Bicol ang paglalayag ng roro at mga motor banca dahil sa panganib na abutin ng bagyo sa dagat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?