60

Oct 18, 2017 @ 16:06

150 motorsiklo at 485 bulletproof vest sa pulis-Kyusi

Upang mas mapag-ibayo pa ang peace and order sa Lungsod Quezon, pinagkalooban ni Mayor Herbert Bautista ang kapulisan na nasa ilalim ng kanyang hurisdiksyon ng mga bagong bulletproof vest at motorsiklo sa ginanap na turnover ceremony kahapon sa Camp Karingal sa Sikatuna Village kahapon ng umaga.

Personal na ibinigay ng alkalde ang 150 units ng Indoro motorcycle at 485 bulletproof vest kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ayon kay Bautista, tungkulin ng lungsod na punuan ang logistikong pangangailangan sa kampanya ng QCPD laban sa kriminalidad partikular ang paglaban sa iligal na droga at terorismo na siyang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapayapaan at pag-asa ng bansa.

Para sa bubuuing QCPD Task Force Anti-Riding Criminal ang motorsiklo na ipamamahagi sa 12 police stations para sugpuin ang riding–in-tandem syndicate sa lungsod.

Sunod namang ipagkakaloob umano ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang karagdagang 1,000 helmet; 1,000 raincoat at 509 Glock na baril.

Idinagdag pa ni Bistek na magpapatayo pa siya ng tatlong karagdagang police station at mga command center para sa mabilis na pagresponde sa mga kasong kriminal. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?