77

Dec 19, 2017 @ 11:57
By

15 paligsahan sa 2018 ikakaripas ng PATAFA

Magiging abala sa kabuuang 15 na malalaking torneo ang mga pambansang atleta ng Philippine Athletics Track and Field Association matapos ang kasalukuyang taon tampok ang pagsabak sa 18th Asian Games sa Agosto 19 hanggang Setyembre 2, 2018.

Inihayag ni PATAFA president Philip Ella Juico ang kalendaryo matapos ang pagpulong niya sa mga national coache at regional coordinator kasabay ng pagseselebra ng kanilang pagtatapos sa mga programa ngayong taon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila kahapon.

“We just want an active rest for our national athletes as well as to our coaches for them to enjoy the holiday season. And then come next year, we will be very busy preparing for the coming Asian Games,” pahayag ni Juico.

Una na sa listahan ng nasabing national sports association ang Asian Indoor Athletics Championships sa Pebrero 7-8 sa Tehran, Iran, kasunod ang IAAF World Indoor Championships sa Marso 1-4 sa Birmingham, Great Britain.

Sasabak ang mga batang atleta sa SEA Youth Athletics Championships sa April 5-6 sa Bangkok, Thailand bago sumali ang mga elite athlete sa IAAF World Combined Events Challenge sa Abril 28-29 sa Firenze, Italy.

Ipapadala ng organisasyon ang ilang piling atleta na sa Mt. SAC Relay sa Abril 21 sa Walnut, California kung saan inaasahan na sasabak ang mga pangunahin nitong atleta sa Estados Unidos na sina Eric Shauwn Cray, Trenten Beram at ang magkapatid na Kyla at Kayla Richardson.

PInakamalaking aktibidad na hahawakan ng PATAFA ang pagho-host sa unang pagkakataon sa tatlong leg na Asian Grand Prix sa Abril 28-29 sa Ilagan, Isabela, sa Mayo sa Baguio City at sa Vermosa Track and Field Oval.

Magsasagupa naman ang mga pambansang atleta at nagnanais mapasama sa pambansang koponan sa Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Mayo 3-6 sa Vermosa Track and Field Oval.

Sasalihan din ang ilan sa Hong Kong Inter-City sa Hunyo, Singapore Open sa Abril, Taiwan at Korean Open sa Hulyo at panghuli sa Vietnam Open sa Agosto bago ang 18th Asiad sa Palembang at Jakarta sa Indonesia. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?