185

Dec 2, 2017 @ 14:04
By

15-anyos huli sa pagdala ng baril sa iskul

Hindi sa kulungan kundi sa DSWD ang bagsak ng isang menor na edad na totoy matapos mahulihan ng baril na dinala sa paaralan kamakalawa sa San Juan City.

Buking sa pagdadala ng baril si ‘Totoy’, hindi tunay na pangalan, 15-anyos at residente ng San Juan City at posibleng maharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Hindi pa matiyak ng tanggapan ng Eastern Police District kung saan galing o kanino ang dalang cal. 38 revolver na ipinakita ni Totoy sa ilang kaibigan sa loob ng paaralan sa St. John the Baptist School sa Barangay San Pedro Cruz, San Juan City bandang alas-4:20 kamakalawa ng hapon.

Ayon sa report, napansin ng ilang magulang na nasa gate ng school na may nakasukbit sa beywang ng bata nang bumalik ito sa kanilang paaralan bandang hapon kaya agad na ipinaalam sa security guard ng pribadong paaralan.

At nang sitahin si Totoy ay nakumpiska sa kanya ang isang cal. 38 revolver na walang serial number at loaded ng anim na bala.

Dinala ang bata sa pulisya na kung saan ay iniimbestigahan pa kung kanino ang nasabing baril ngunit ayaw pa ring magsalita nito at wala pa ring magulang na dumarating sa himpilan ng pulisya para sunduin si Totoy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?