99
ABANTE nbp bilibid
Oct 20, 2019 @ 17:39
By

14 pulis nagpasok ng kontrabando sa bilibid

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Spokeperson Brig. General Bernard Banac na mayroong 14 na pulis na iniimbestigahan matapos magpasok ng mga kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) at ibenta sa mga preso.

“May mga natanggap na ulat na diumano ay may mga pulis na naman na siyang sangkot sa pagpapasok ng mga kontrabando diyan sa bilibid at kaagad ito ay pinaimbestigahan na at makakaasa ang ating mga kababayan na hindi natin ito hahayaan or hindi ito-tolerate itong mga iligal na gawain,” pahayag ni Banac sa isang radio interview.

Saad pa ni Banac na nalulungkot siya dahil sa kabila ng puspusang reporma upang maibalik ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa pulis dahil sa kontrobersyal na “ninja cops” na inimbestigahan sa Senado kung saan pa nadawit si dating PNP chief Oscar Albayalde ay mayroon din silang mga kasamahan na gumagawa ng diskarte at iligal na bagay para sa kanilang sariling kapakanan.

“Ito ay patuloy na hamon sa atin na mabago ang ating organisasyon, mareporma at hindi tayo titigil hanggang ang disiplina ay mapanatili,” dagdag pa ni Banac.

Pahayag pa ng opisyal na hindi naman umano perpekto ang organisayon at talagang may mga pasaway subalit hindi umano titigil ang kapulisan hangga’t hindi makakasuhan ang mga tiwaling pulis at tuluyang masibak sa serbisyo.

Wala pa naman umano sa isang porsyento ang mga tiwaling pulis sa kabuuang 191,000 ayon pa kay Banac.

“Tayo po ay may kabuuang bilang 191,000 sa ngayon at wala pang 1 percent ang masasabi natin na tiwali at gumagawa ng mga iligal na bagay,” saad ni Banac.

So itong mga ginagawa natin measures para maibalik natin ang tiwala ng mamamayan subalit may mga insidente pa rin na kinasasangkutan ng pulis natin pero hindi kami titigil. Habang narito tayo sa serbisyo yan ang gagawin natin ang mapantili ang disiplina ng mga pulis at maibalik ang tiwala ng mga mamamayan,” pagtatapos ni Banac.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?