56

Oct 23, 2017 @ 11:00

132 nagtapos sa drug rehab program ng Manila Archdiocese

Pinuri mismo ni Pope Francis ang rehabilitation program ng Archdiocese of Manila para sa mga nalulong sa droga.

Ayon kay Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, nakausap niya si Pope Francis sa kanyang pagbisita kamakailan lamang sa Roma at ayon umano sa Santo Papa, nasa tamang landas ang Manila Archdiocese sa pagbibigay ng rehabalitation program sa mga drug surrenderee.

“He (Pope Francis) said, ‘That’s the way to go. This is the path to take. Continue that,” ang buong pagmamalaking saad ni Cardinal Tagle.

Ginawa ng kardinal ang pahayag sa pagtatapos ng 132 na mga dating drug dependent sa “Sanlakbay para sa Pagbabagong Buhay” na rehabilitation program ng Archdiocese of Manila para sa mga dating lulong sa ipinagbabawal na gamot.

Ang seremonya ay ginawa sa Minor Basilica of San Sebastian sa Quiapo, Maynila.

Inilunsad ang Sanlakbay noong Oktubre ng nakaraang taon bilang tugon sa gyera kontra droga ng gobyerno.

Sa kanyang misa, sinabi ni Tagle na ang pagtatapos sa programa ng 132 na dating drug dependent ay patunay na ang mga nalulong sa droga ay hindi maituturing na hopeless case o wala nang pag-asa.

“Ang mundo ngayon, kay daling mawalan ng pag-asa. Hindi mababago ang mundo ng mga taong walang pag-asa…The world will only be renewed by people filled with hope,” ang bahagi ng homiliya ni Kardinal Tagle.

Ang seremonya ay sinaksihan nina National Capital Region Police Office Chief, Director Oscar Albayalde at Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel.

Naging tampok sa seremonya ang pamamahagi ng mga certificate sa 132 na dating drug dependent bilang patunay na nakumpleto nila ang rehabilitation program. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?