561

Nov 26, 2017 @ 16:41
By

13 anyos na dalagita hinalay ng mister ng kasambahay

Hindi na napigilan pa ng 13-anyos na dalagita ang ginagawang pambababoy sa kanya ng mister ng kanilang kasambahay kaya naman isinumbong na nito ang ilang ulit na ginawang panghahalay sa kanya nitong Biyernes ng gabi, sa Quezon City.

Matapos na ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Mica, 13-anyos, residente ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City, sa Quezon City Police District – District Special Operations Unit (QCPD-DSOU), Biyernes ng gabi, ay agad na ianresto ang suspek na si Bernardo Caber, 52-anyos, umano’y asawa ng kanilang kasambahay.

Ayon sa tiyahin ng biktima na hindi na pinangalanan, sinabi lamang sa kanyang pamangkin na hinihipuan siya ni Caber, ngunit nagduda na siya nang isang beses ay sinabihan siya ng dalagita na huwag ipaiwan ang susi ng bahay sa kasambahay nilang stay-out.

At nitong Biyernes, nang muling maiwang mag-isa ang biktima sa bahay ay muling naulit ang panghahalay dito ng suspek. Hindi na nakatiis ang biktima at dito na nagsumbong sa tiyahin na siyang naging daan sa pagkakaaresto kay Caber.

Sa presinto ay galit na galit na hinarap ng ginang si Caber, dahil hindi umano niya akalain na ang taong pinagkakatiwalaan niyang magbantay sa pamangkin niya ay siya pang makakagawa ng kahayupan dito.

Itinanggi naman ng suspek ang panghahalay pero aminado itong minomolestya niya ang biktima.

Subalit lumalabas sa medico legal na iprinisinta ni Insp. Djoanna Santos, ng Women’s Protection Desk ng QCPD, napunit ang kaselanan ng dalagita na tanda na may naganap na panghahalay dito.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabas sa Republic Act 8353 o ang Anti-Rape law in relation to Republic Act 7610 o “Special Proctection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” si Caber habang isasailalim naman sa counseling ang biktima na na-trauma.

Samantala, nabatid na dati nang nakulong si Caber sa kasong frustrated murder at aminado ito na dati siyang gumagamit ng iligal na droga. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?