35

By

1,257 pulis-Kyusi nabakunahan ng Dengvaxia

Sharing is caring!

Mino-monitor ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) Health Service ang may 1,257 na kanilang mga tauhan, maging ang pamilya ng mga ito na nabakunahan ng dengue vaccine na Dengvaxia.

Sinabi ni QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, may data base naman sila at alam nila kung sino-sino sa kanyang mga tauhan at kanilang pamilya ang nabigyan ng bakunang Dengvaxia kontra dengue.

Iginiit ng opisyal, mayroon naman silang ‘close coordination’ sa Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) para tiyaking nasa maayos na kalusugan ang mga miyembro ng QCPD.

Aniya, walang dapat ikabahala ang 1,257 na pulis-Kyusi at kanilang pamilya dahil patuloy ang ginagawang konsultasyon at rebyu ng DOH, WHO at mga eksperto na hindi makakasama, sa halip ay makakabuti sa kalusugan ng sinumang nabakunahan ng Dengvaxia.

Payo ni Eleazar sa kanyang mga tauhan na maging maingat mula sa kagat ng lamok na posibleng carrier ng dengue at panatilihing malinis ang kapaligiran o kaya’y magpahid ng ‘mosquito repellant’ kung pupunta sa masukal na lugar.

Nabatid na nitong nakalipas na buwan ng Setyembre ay nabigyan ng ‘free dengue shots’ ang 1,257 na pulis at kanilang pamilya sa ilalim ng Quezon City Police District’s free vaccination program.

Una dito ay inamin ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng kauna-unahang dengue vaccine sa buong mundo, na ang kanilang Dengvaxia ay ligtas at nakapagbibigay ng proteksyon kung ituturok sa mga taong dati nang dinapuan ng dengue, ngunit maaari namang magdulot ng mas malalang dengue infection kung ibibigay sa mga taong hindi pa tinamaan ng naturang sakit.

Una na ring ipinag-utos ng DOH na itigil ang programang pagbibigay ng dengue vaccine kasunod ng inilabas na bagong analysis ng Sanofi Pasteur sa Dengvaxia. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?