153

Dec 22, 2019 @ 14:50
By

123 umano’y NPA sa Surigao del Sur sumuko – militar

Bagong buhay ang tinatahak ngayon ng 123 dati umanong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur matapos isuko ang kanilang sarili at armas para makasama ang mga pamilya ngayong Kapaskuhan.

Batay sa report ng 36th Infantry Battalion, sa pinalakas na programa ng Community Support Program (CSP) nakatutulong ito para makasama ng mga dating rebelde ang kanilang pamilya at makihalo sa komunidad.

Ayon kay Capt. Jonald D. Romorosa, 36IB civil-military operations officer, sa 123 na sumuko umanong NPA nasa 10 ang regular members, 32 ang miyembro ng Militia ng Bayan, lima ang miyembro ng Sanga sa Partido sa Localidad (SPL) at nasa 76 bahagi ng mass organization na ngayo’y nakikiisa na sa pamahalaan.

Giit ni Romorosa, ang ibibigay na suporta ng local government unit at ilang government agency ang nagbigay ng daan para sumuko ang mga umano’y rebelde.

Ayon naman kay Lt. Col. Jezreel Diagmel, 36IB acting commander, humina ang puwersa ng mga NPA sa Surigao del Sur dahil sa pagbabalik umano ng suporta nila sa pamahalaan.

Ang community support team ay nasa mga remote and conflict-affected villages ngayon sa Surigao del Sur para maipamahagi ang ibinibigay na benepisyo ng pamahalaan na nakalaan para sa mga susukong NPA sa Sitio Banahao, Barangay Maitom, Tandag City; Sitio Cadlum, Barangay Cabangahan, Tago, at San Miguel sa Sitio Baroboan, Barangay Carromata, Sitio Kiskis, Barangay Siagao, at Sitio Inadan, Barangay Magroyong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?