29

By

123 katao dinampot sa ‘Oplan Rody’ sa Caloocan

Sharing is caring!

Mahigit sa 123 katao ang inaresto ng pulisya matapos lumabag sa city ordinance sa isinagawang Oplan Rody (Rid the streets Of Drunkards and Youth) sa Caloocan City nitong magdamag.

Personal na pinangunahan ni Caloocan City Police Chief Sr. Supt. Jemar Modequillo ang operasyon sa mga barangay ng Caloocan South na nagumpisa alas-10:00 ng gabi.

Katuwang ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang 93 mga barangay tanod, 70 mga volunteers at pitong kinatawan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Matapos ang operasyon, nasa 37 menor de edad ang dinampot matapos maabutan sa kalsada ng lagpas na sa curfew hours.
Mahigit naman sa 86 katao kabilang ang nasa pitong babae ang dinampot dun dahil sa pag-iinuman sa kalsada at lima dahil sa walang suot na damit pang-itaas.

Samantala ay nasa 12 katao rin ang inaresto dahil sa pagkakaroon ng outstanding warrant of arrest, tatlo sa pagsusugal at apat na katao naman ang nahuli sa checkpoint na walang maipakitang dokumento ng kanilang motorsiklo.

Agad namang ipinasa sa kustodiya ng CSWDO ang mga kabataang naaresto dahil sa curfew kung saan ipinatawag ang kani-kanilang mga magulang na nakatikim ng sermon mula kay Modequillo.

Sa kabila nito, pinatawad pa rin ni Modequillo ang mga magulang at hindi na muna sinampahan ng kaso ngunit binalaan na kakasuhan na sila sa susunod na madampot muli ang kanilang mga anak.

Nagpalipas naman ng gabi sa kulungan ang mga matatanda na inaresto dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa lalo na ang mga lasenggo sa kalsada na nagwala pa sa loob ng istasyon nang arestuhin.

Sinabi ni Modequillo na muling magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga pasaway matapos na tumutok ang kanilang puwersa sa seguridad ng nakalipas na ASEAN Summit. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?